Malate, 1997
Minsa'y di ko rin mawari't
Maipaliwanag
Kung bakit gaano man kalayo
Ang paggagalinga'y
Iisang lugar lamang
Magtitipon-tipon
Ang mga ligaw na kaluluwa
Samu't saring kaanyuhan
Iba't ibang kasarian
At kasiraan
Animo'y mga paru-parong
Paroo't parito
May tangan na brotsa
O kamera
Lapis o krayola
Minsa'y nais lamang
Tumugtog, Umindak
Sa himig ng katutubo
O di kaya'y trance
O techno
Tangina nyong mga jologs
Bawal kayo rito!
Minsan akong napadpad
Walang kamuwang-muwang
Nang may nagsindi ng insenso
Yun na ang hudyat
Na ang kasunod
Ay damo't tapey
Kakaibang halimuyak
Ang aking nalanghap
At sinimsim
Nanumbalik sa aking alaala
Ang mga panahong
Nanatili ako sa Baguio
Kakaibang init
Ang aking naramdaman
Panandali'y nakalimutan ko
Kung sino ako't ano
Tumigil ang mundo
At ang diwa ko ang siyang
Umiikot-ikot
Unti-unti
Ako'y umindak
Sa himig ng katutubo
Na parang nahaluan
Ng Jimi Hendrix
O di kaya'y Led Zep
Panandalia'y binitiwan ko
Ang kamera
At pumulot ng kubing
Na siyang kusang
Dumampi sa aking labi
Ako'y nanahimik
At tumipa
Habang ang lahat ay lango
Sa alak, sa chongkee
Cuba libre at Corona
Sa palo ng dhoumbek
Djembe at sithar
At tinig ni Grace Nono
Sige pa, Sammy!
Diin pa, Jose!
Birit pa, Nonoy!
Bagama't panandalian
Minsan ko nang naabot
Ang langit
Habang ang mga paa'y
Baon sa lupa
Minsan kong nasilayan
Ang mga bituing
Walang singningning
Sa kanyang mga mata
Ngunit ito'y isa na lamang
Alaala ng buhay
Ng isang romantikong
Hibang
Na di na muling mauulit
At di na muling mararanasan
Isang patay na kahapong
Nabubuhay na lamang
Sa kupas na larawan
Comments
Post a Comment